Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) na agad sirain ang anumang masasabat na ilegal na droga.

Sinabi ng Pangulo na dapat tiyakin ng mga awtoridad na aktwal na nasisira ang buong dami ng nakukumpiskang kontrabando upang maiwasan ang katiwalian at masigurong hindi na ito muling makakalusot sa merkado.

Kasabay nito, iniutos din ng Presidente ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga entry point ng ilegal na droga at pagtutok sa mga malalaking sindikato upang maputol ang suplay bago pa ito makarating sa mga komunidad.

Kinilala rin nito ang malaking ambag ng programang “Cops on the beat” dahil sa regular na pagpapatrolya ng pulisya, nababawasan ang kumpiyansa ng mga street-level drug dealer na mag-operate sa kanilang mga lugar.