Nakatakdang bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Glan Evacuation Center sa Sarangani ngayong araw, Lunes, Hunyo 15, upang personal na suriin ang kalagayan ng mga pamilyang lumikas matapos ang magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Soccsksargen.

Kabilang ang Glan sa mga pinakamalubhang naapektuhan, na nakaranas ng pagguho ng lupa, pagkasira ng mga bahay, at pagkaantala ng mga pangunahing serbisyo.

Mahigit 130 pamilya ang nananatili sa evacuation center habang nagpapatuloy ang relief at damage assessment operations.

Inaasahang makikipagpulong ang Pangulo sa mga evacuee at tatanggap ng ulat mula sa mga lokal at pambansang opisyal hinggil sa patuloy na pagtugon at rehabilitasyon sa mga apektadong komunidad.