Tinapos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang huling paghahanda para sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na ihaharap sa magkasanib na sesyon ng Kongreso sa Lunes, Hulyo 27, sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.

Naglabas ang Pangulo ng maikling video na nagpapakita ng kanyang rehearsal para sa talumpati, habang ibinahagi rin ng Presidential Communications Office ang mga larawan ng kanyang paghahanda para sa taunang ulat sa bayan. Ayon sa Malacañang, handa na ang Pangulo sa paghahatid ng kanyang ikalimang SONA.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Pangulong Marcos na nakatuon ang kanyang talumpati sa mga nagawa ng kanyang administrasyon mula nang ihatid niya ang nakaraang SONA. Nang tanungin kung tatalakayin ang isyu ng korapsyon, sinabi lamang ng Pangulo na abangan ng publiko ang susunod na kabanata.

Nauna nang sinabi ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro na magiging simple ngunit marangal ang ikalimang SONA ng Pangulo, at layuning maihatid sa publiko ang isang makabuluhang ulat tungkol sa kalagayan ng bansa at mga nagawa ng administrasyon.

-- ADVERTISEMENT --