
Makakatanggap ang mga pensioner ng Social Security System (SSS) ng panibagong 10% dagdag sa kanilang buwanang retirement at disability pensions simula Setyembre 2026.
Bahagi ito ng tatlong taong pension reform program ng SSS kung saan may nakatakdang umento tuwing Setyembre mula 2025 hanggang 2027.
Bukod sa karagdagang 10% para sa retirement at disability pensioners, makatatanggap din ng 5% dagdag ang death at survivorship pensioners na nakatala hanggang Agosto 31, 2026, na ipatutupad ngayong Setyembre.
Sa huling yugto ng reporma na ipatutupad sa Setyembre 2027 para sa mga pensioner hanggang Agosto 31, 2027, magkakaroon muli ng 10% dagdag ang retirement at disability pensioners at 5% naman para sa death at survivorship pensioners.
Sa pagtatapos ng tatlong taon, inaasahang aabot sa humigit-kumulang 33% ang kabuuang itinaas ng pensyon para sa retirement at disability pensioners, habang nasa 16% naman para sa death at survivorship pensioners.
Tinatayang nasa 3.9 milyong pensioner ang makikinabang sa pension hike initiative.
Ayon sa SSS, naipatutupad ang dagdag-pensyon nang hindi nagtataas ng contribution rate dahil sa matatag na pinansyal na performance ng pondo.










