Labis nang nakakabahala ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang mga patuloy na insidenteng nararanasan ng mga civilian at government maritime personnel sa kamay ng dayuhang pilit umanong tinataboy ang Pilipinas sa sarili nitong karagatan.

Kaugnay nito, binigyang-diin niya na mahalagang masuri ang mga ulat na nagkaroon ng panibagong Chinese blockade incident laban sa BFAR vessel sa may Sandy Cay.

Kung mapatunayan na nangyari talaga ito, iginiit ng senador na mahalagang makapaghain ng panibagong diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs para makahingi ng pananagutan mula sa Chinese government.

Maliban pa roon, naniniwala si Estrada na isa rin itong paraan ng pagdeklara ng karapatan sa ilalim ng international law.