Iginiit ng komunidad ng Ayta Ambala sa Subic, Zambales na pansamantala lamang ang kanilang naging pahintulot sa paggamit ng kanilang ancestral domain bilang tapunan ng basura, ngunit tumagal umano ang operasyon nang higit sa kanilang inaasahan. Ayon sa Subic Local Government Unit, itinigil na ang operasyon ng dumpsite noong 2022 at iniutos ng Department of Environment and Natural Resources ang pagsasara nito noong Nobyembre 2025, ngunit nananatili pa rin ang mga tambak na basura sa lugar.

Sinabi ni Subic Public Information Office Head Juan Deveraturda III na may pahintulot noon ang pamilyang Tenoria, ang Ayta Ambala Tribal Council at mga opisyal ng Barangay Naugsol sa pansamantalang paggamit ng lupa. Gayunman, sinabi ni National Commission on Indigenous Peoples Region 3 Regional Director Atty. Joyce Lapuz na bahagi ng ancestral domain ng Ayta Ambala ang lugar at dapat sana’y dumaan muna sa konsultasyon sa NCIP ang paggamit nito bilang dumpsite.

Samantala, iginiit ni Department of Environment and Natural Resources Region 3 Regional Director Martin Despi na ipinagbabawal ng batas ang open dumping. Hiniling naman ng komunidad ng Ayta Ambala na tuluyan nang alisin o tabunan ng lupa ang mga naiwang basura, habang sinabi ng Subic LGU na nagpapatuloy ang rehabilitasyon ng dating dumpsite.