
Inihain sa mababang kapulungan ng kongreso ang isang panukalang batas na humuhiling ng kompensasyon sa mga naging comfort women ng bansa o mga biktima ng sekswal na pang-aalipin ng mga sundalong Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Nakasaad sa House Resolution 912 ni House Senior Deputy Majority Leader Leila De Lima ang kahilingan sa Executive Department at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno na magbigay ng sapat, mabilis, at epektibong reparation sa mga natitirang miyembro ng mga Pilipinang comfort women o Malaya Lolas, at kung kinakailangan, sa mga pamilya at kahalili ng mga yumao, alinsunod sa national at international laws.
Binigyang-diin ni De Lima dapat na may mabilis at seryosong habang para sa Malaya Lolas upang maibibigay sa kanila ang tunay na hustisya.
Ayon sa kanya, ito ay alinsunod sa obligasyon ng bansa sa ilalim ng Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women.
Sinabi niya na ang pinakakilala at nakapangingilabot na insidente ng comfort women ay naganap noong Nobyembre 1944 nang sapilitang kinuha ang Malaya Lolas ng mga miyembro ng Imperial Japanese Army papuntang “Bahay na Pula” — isang hacienda na naging headquarters sa San Ildefonso, Bulacan — kung saan sila ikinulong at paulit-ulit na ginahasa, pinahirapan, at inilagay sa hindi makataong kondisyon ng detensyon.
Binanggit din niya na iilan na lamang ang buhay na miyembro ng Malaya Lolas, na karamihan ay nakaratay na at may mahina nang kalusugan.










