Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlong pagbasa ang panukalang batas na naglalayong patatagin ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa pagpapatupad ng mga mandato nito sa maritime safety, maritime security, at marine environmental protection.
Sa naganap na plenary session, naipasa ang House Bill No. 10841, o isang batas na nagpapatibay sa Philippine Coast Guard (Revised Philippine Coast Guard Law) sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga patakaran at repormang organisasyonal.
Nakakuha ito ng 183 pabor na boto kung saan walang tumutol at walang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang PCG ay patuloy na magiging nakatalaga sa Department of Transportation. Subalit, sa panahon ng digmaan, ang ahensya ay ilalagay sa ilalim ng Department of National Defense.