Ang mga guro ang nagsisilbing pangalawang magulang natin at ng mga anak natin.
Isa ito sa napakaraming papel na ginagampanan ng mga guro sa ating lipunan para mabigyan ng karunungan ang bawat mamamayang Pilipino.
Naniniwala kasi tayo na ang edukasyon ang siyang susi para maging matagumpay ang buhay ng isang tao kung kayat nakasalalay sa mga guro ang ating kinabukasan bilang taga-hubog sa mga kabataan.
Kaya naman umaani ng iba’t-ibang reaksiyon ang panukalang batas sa senado na naglalayong bigyan ng diskuwento ang funeral services ng mga guro na namatay bunsod ng kanilang trabaho.
Para kay lolo Jose Donato na malaking tulong ito sa maiiwang pamilya ng isang guro dahil mababawasan ang kanilang gastos sa pag-aasikaso sa kaniya hanggang sa huli niyang hantungan.
May mga sumang-ayon mayroon ding tumutol sa funeral discount privileges na ipinanukala sa senado.
Ayon sa kanya na ang hakbang na ito ay marahil bilang pagtanaw ng mga senador sa naging papel ng mga guro sa kanilang buhay kaya nakamit nila ang kanilang hawak na posisyon.
Bagamat welcome sa mga public school teachers ang panukalang batas, pero mas maganda raw kung magpasa ng batas ang mga senador at kongresista na magtataas ng benepisyo ng mga guro na maaari pa nilang mapakinabangan habang sila ay buhay pa.
Binigyang diin ni Raymund Basilio ng Alliance of Concerned Teachers na mas nakakatulong kung itaas ang entry level ng mga guro sa pampublikong paaralan gayundin ang economic relief allowance na makakatulong sa pang-araw araw na pangangailangan ng mga guro.
Marami rin sa mga guro ang baon sa utang, para matustusan ang kanilang pangangailangan, ayon pa rin kay Basilio hindi rin aniya biro ang trabaho ng mga guro kung saan limitado umano ang kanilang oras para sa kanilang pamilya at sa mismong sarili dahil sa dami ng gawain na dapat tapusin.
Sabi ni Basilio na hindi lang kasi nagtatapos ang papel ng mga guro sa pagtuturo sa loob ng klase bagkus dala-dala hanggang sa kanilang bahay ang iba pang trabaho.
Kapag naaprubahan at naging batas ang Senate Bill no. 1670, makakatanggap ng 20 percent discount o funeral discount privileges ang mga pamilya ng mga pampublikong guro kapag ito ay namatay ng dahil sa karamdaman o injury na may kinalaman sa pagtuturo.
Ang mababawas na discount sa mga funeral homes ay maaaring ibawas din sa kanilang babayarang buwis sa pamahalaan kung saan hindi rin puwedeng lalagpas ng 10 percent sa kanilang buwis na babayaran. Nakasaad din sa bill na ito na dapat mga lisensiyadong guro lang ng Department of Education o DepEd at Commission on Higher Education o CHED ang puwedeng makapag-avail nito kung saan ang mapatunayang lumabag nito ay maaaring magbayad ng P200,000 o pagkakulong ng hanggang anim na taon.
Umaasa si Senator Nancy Binay na siyang nagpanukala dito na makakatulong ito sa mga problemang pinansiyal ng mga guro na patuloy ngayong umaasa sa pagtaas ng kanilang mga sahod.
Subalit, tinawag na useless ng isang retired public school teacher ang nasabing senate bill dahil hindi na ito mapapakinabangan ng mga guro na nagpapakahirap sa kanilang trabaho alang-alang sa kapakanan ng mga mamamayan.
Ikinuwento niya ang hirap ng trabaho ng isang guro na naranasan niya sa loob ng 42 taong pagtuturo sa pampublikong eskuwelahan.
Ayon sa kaniya na talagang napipilitan ang mga guro na gumastos ng kanilang sariling pera lalo na kung mayroong training at kompetisyon na sinasalihan ng kanilang estudyante kung kayat dapat magsulong umano ang kongreso ng batas na mapapakinabangan ng mga guro na maaagang umaalis sa kanilang bahay at late na kung umuuwi dahil sa kaniyang trabaho
Kaya bilang pagkilala rin umano sa kabayanihan ng mga guro na siyang naghubog sa mga magigiting nating mga pinuno at iba pang propesyon ay dapat magkaroon din umano ng batas na magbibigay ng mandato na malagyan ng Philippine flag ang kabaong ng mga guro na namamatay.
Giit ni Gng. Paleg na napakahalaga ang tungkulin ng mga guro sa ating lipunan gaya ng uniformed personnel.
Aniya, hindi lang sa loob ng eskuwelahan nakasentro ang trabaho ng mga guro bagkus pumupunta ang mga ito sa komunidad para matiyak na lahat ng mga mamamayan ay maging kapakipakinabang.
Tumaas naman ang kilay ng ilang mga guro sa nasabing panukala dahil sa halip na bigyan ng solusyon ang mga hamon na kinakaharap ng sektor ng edukasyon ay kung anu-anong panukala ang isinusulong ng mga senador at kongresista.
Tinawanan din ito ng ilang netizens dahil tila minamadali umano ang buhay ng mga guro imbes na mag-isip sana ng mga makabuluhang panukala para mapangalagaan ang kanilang kalusugan bagamat maganda ang layunin ng proposed bill.
Pero umapela si Ginoong Richard Bacud, punong guro ng Tuguegarao East Central School sa mga mambabatas na pag-igihan pa sana ang pag-iisip ng mga batas na magbibigay proteksiyon at benepisyo sa mga guro.
Subalit, hind lang umano dapat mga guro ang dapat bigyang pansin kundi ang lahat ng mga kawani ng gobierno kasama na rin ang kapakanan ng mga ordinaryong manggagawa para maging masaya ang lahat. /BOMBO MARVIN CANGCANG