Naglabas na ng bagong memorandum o kautusan ang Cagayan Police Provincial Office (CPPO) sa lahat ng PNP stations sa lalawigan hinggil sa mga susunding panuntunan sa paghuli ng hindi otorisadong paglalagay ng LED bulb sa mga motorsiklo.

Ito ay kasunod ng nangyaring dayalogo sa pagitan ng samahan ng mga riders at CPPO matapos umalma ang mga nahuling riders kaugnay sa implementasyon ng Presidential Decree 96 o pagkumpiska sa inilalagay na nakakasilaw sa motorsiklo na maaring pagmulan ng aksidente sa lansangan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, aminado si PCAPT Sharon Mallillin, tagapagsalita ng CPPO na kulang sa “information dissemination” ang PNP sa implementasyon ng naturang batas na sinimulan noong January 12, 2020.

Kasabay ng bagong kautusan ay ipinag-utos rin ang pagbabalik ng mga nakumpiskang LED lights sa mga may-ari at ang pagsunod sa batas trapiko na nasa ilalim ng RA 4136.

Gayonman, umaasa si Mallillin na susundin ng mga motorcycle riders ang probisyon ng memorandum para sa tamang paggamit o paglalagay ng LED lights.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Mallillin na bagamat pinapayagan ng batas ang paggamit ng dagdag na ilaw tulad ng LED lights, kailangan naman nitong makasunod sa kaukulang regulasyon mula sa Land Transportation Office.