pctto

Tuguegarao City- Nakatakdang ilatag ng pamahalaang panglungsod ng Tuguegarao ang ordinansang ipatutupad kaugnay sa pagbebenta at paggamit ng iba’t ibang uri ng paputok o pyrotechnic devices sa pagsapit ng bagong taon.

Sa panayam kay City Councilor Reymund Guzman, nakapaloob sa nasabing ordinansa ang pagkakaroon ng takdang lugar kung saan lang maaaring bumili at magtinda.

Aniya, ang puwesto para sa mga magtitinda ng paputok sa lungsod ay ilalagay sa Corner Pagulayan St. Centro 11, Balzain East at sa bahagi ng Macapagal Ave.

Papayagan lamang ang pagbebenta ng mga nasabing paputok mula Disyembre 26-30 ng alas 8am-8pm, sa Dec 31 ay mula 8am-11pm habang Disyembre 30-31 lamang ang araw na pinapayagang araw na maaring gumamit ng paputok.

Kailangang kumuha ng special permit sa Bureau of Fire Protection, sa Office of the City Mayor maging sa National Head quarters ng PNP at sa Brgy. kung saan itinakdang magbenta.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Guzman, nakasaad din sa ordinansa ang mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan upang makaiwas sa pagkalat ng virus.

Magkakaroon din aniya ng 1 to 2 meters na distansya ang itatalagang mga stalls upang masunod ang social distancing sa bawat puwesto.

Samantala, nagpasa rin ang konseho ng Tuguegarao ng isang resolusyon

na pumasok sa isang Memorandum of Agreement katuwang ang Department of Health para sa pagbibigay ng hazard duty pay sa mga medical workers sa lungsod na may direct contact sa mga COVID-19 patients.

Sinabi pa ni Guzman na napag-usapan din sa konseho ang planong paghihiwalay ng Cagayan National High School (senior high) at ng Cagayan National High School (junior high).

Ito aniya ay dahil na rin sa dumaraming bilang ng mga mag-aaral at upang matutukan sila sa kanilang pag-aaral ay kailangang magkaroon na ng bukod na pondo, principal, mga department heads at iba pa.

Bukod pa rito ay nagpasa pa aniya sila ng isa pang resolusyon para sa isang kasunduan katuwang ang DA bilang tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa lungsod.

Ito naman ay sa ilalim ng “Enhanced Kadiwa Inclusive Food Supply Chain Program” na layuning suportahan ang trading, marketing at distribution ng farm produce ng mga benepisyaryo.

Bilang tugon dito ay mayroon aniyang nakapaloob na P500k na pondo.