Binatikos ni Davao City First District Representative Paolo Duterte ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil umano sa kabiguang tugunan ang matagal nang mga isyu ng korapsyon sa pamahalaan. Ayon sa mambabatas, dapat umanong ipakita ng Pangulo ang tunay na political will sa pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa mga anomalya, anuman ang kanilang pangalan o posisyon.

Ang pahayag ni Duterte ay kasunod ng pagbubukas ng SONA kung saan sinabi ni Pangulong Marcos na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga umano’y iregularidad sa mga flood control project, at malapit nang maihain ang mga kaso laban sa dating House Speaker Martin Romualdez. Iginiit ng Pangulo na walang kinikilingan ang isinagawang imbestigasyon at may mga nauna nang nakasuhan at nakulong na mga kontratista, matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways, at ilang mambabatas.

Ayon pa kay Rep. Duterte, nananatiling kulang ang SONA hangga’t hindi nasasagot ang mga isyu sa pondo para sa flood control, PhilHealth, at Maharlika Fund. Aniya, ang tunay na kalagayan ng bansa ay nasusukat sa kabuhayan ng mga Pilipino, presyo ng mga bilihin, kalidad ng serbisyo ng pamahalaan, at tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.