Inihayag ng Parole and Probation Administration Region 2 na mahalaga ang pagtanggap ng komunidad sa mga napagkakalooban ng parole o probation na mga persons deprived of liberty sa hangarin na decongestion ng mga kulungan sa bansa.
Ayon kay Benita Maramag, dapat na tanggapin ang mga PDLs na napapalaya sa pamamagitan ng probation o parole para sa kanilang tuluyang pagbabagong-buhay.
Sinabi niya na mahalaga ang tulong ng pamilya at komunidad para sa mga nasabing PDL upang hindi sila magkaroon ng paglabag sa mga kundisyon ng parole o probation.
Ayon kay Maramag, sa sandaling may maitala na paglabag sa mga kundisyon ang isang parolado ay muli siyang ibabalik sa kulungan.
Bukod dito, pagsisilbihan ng parolado ang orihinal na ipinataw sa kanya na sentensiya sa kanyang nagawang krimen, at hindi maibabawas ang kanyang ginugol na panahon sa labas ng kulungan sa ilalim ng parole o probation.
Dahil dito, sinabi niya na kailangan na maging maingat din ang mga napagkakalooban ng parole o probation na tiyakin na hindi na sila makakagawa ng anomang krimen o paglabag sa mga batas.
Kaugnay nito, sinabi ni Maramag na maingat sila sa pagbibibay ng rekomendasyon sa mga isasailalim sa parole kung saan ay dumadaan ito sa maraming proseso.
Ayon sa kanya, nagsasagawa sila ng imbestigasyon sa kanilang kliente at inihahanda nila ang lahat ng mga kailangang mga dokumento.
Sinabi niya niya na binibigyan sila ng korte ng 60 araw para makumpleto ang mga requirements sa kanilang inirerekomenda para sa parole.
Subalit, sinabi niya na may mga pagkakataon na umaabot ng mahigit sa 60 araw dahil sa kailangan na malaman ang lahat ng background ng PDL upang matiyak na siya ay karapat-dapat na bumalik sa komunidad sa ilalim ng parole.