Nilinaw ng Manila Police District (MPD) na nawalan ng malay saka nahulog sa riles ng tren ang 50 anyos na babaeng pasahero na inisyal na napaulat na tumalon sa Light Rail Transit (LRT) line 1 nitong Martes ng hapon.
Ginawa ng MPD ang paglilinaw matapos una ng iulat ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na tumalon ang naturang pasahero habang papalapit ang tren sa southbound lane ng Doroteo Jose Station.
Agad namang kumalat sa social media ang kuhang video hinggil sa insidente.
Base sa report ng MPD, nag-aantay ang pasahero sa tren na biyaheng Baclaran station nang mawalan ito ng malay at saka ito nahulog sa riles.
Naging alisto naman ang guwardiya na agad sinenyasan ang makinista ng tren kayat agad itong nakapag-preno.
Bahagyang pumailalim ang pasahero at nagtamo ng minor injuries na agad namang isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Napag-alaman na mayroong history ng hypertension at stroke ang naturang pasahero.