Stranded ang 61 turista sa Batanes dahil sa kanselasyon ng mga flights dulot ng Typhoon Carina.
Ayon kay Batanes Acting Governor Ignacio Villa, posibleng madagdagan pa ang naturang bilang dahil magtatagal pa ang flight suspension palabas at papasok sa islang probinsya hanggang bukas, araw ng Huwebes.
Tiniyak naman ng pamahalaang panlalawigan na maibibigay sa mga stranded na turista ang mga kinakailangan nito sa pamamagitan ng Department of Tourism.
Suspendido na rin simula ngayong araw ng Miyerkules ang trabaho sa gubyerno sa Batanes maliban na lamang sa mga ahensya na may kinalaman sa basic health and services at disaster response.
Ang suspensyon naman sa trabaho para sa pribadong sektor at tanggapan ay ipinauubaya na sa diskresyon ng kanilang employer.
Dagdag pa ni Villa, itinali na ng mga residente ang bubungan ng kanilang mga bahay bilang paghahanda sa malakas na hangin na dulot ng bagyo at tinanggal na rin ang mga bangka sa dalampasigan.
Handa na rin ang mga evacuation center para sa posibleng ililikas na residente at naka-preposition na rin ang mga family food packs mula sa DSWD
Sa ngayon, nakararanas ng maulap na kalangitan, katamtamang lakas ng hangin at mataas na alon sa dagat ang Batanes kung saan ipinagbawal na rin ang pagpalaot ng mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.