Suspendido pa rin ang pasok sa lahat ng antas at tanggapan ng gobyerno sa ilang probinsya sa bansa bukas, araw ng Biyernes, Hulyo 25, 2025, ayon sa inilabas na anunsiyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang nasabing kautusan ay bahagi ng pag-iingat ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa gitna ng banta ng bagyong Emong at ang patuloy na nararanasang malalakas na pag-ulan dulot ng papalapit na bagyong Dante.

Batay sa inilabas na listahan, kabilang sa mga walang pasok ang mga lugar na isinailalim sa Red Warning Level o mga makakaranas ng malakas na pag-ulan (200mm pataas) katulad ng lalawigan ng Bataan, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Occidental Mindoro, Pangasinan, at Zambales.

Sa ilalim naman ng Orange Warning Level (150–200mm ng ulan), kasama sa mga apektado ang Abra, Batangas, Cavite, Ifugao, Ilocos Norte, Laguna, Mountain Province, Pampanga, at Tarlac.

Samantala, ang mga nasa ilalim ng Yellow Warning Level na inaasahang makakaranas ng 50–150mm ng ulan ay ang mga probinsya ng Albay, Apayao, Aurora, Bulacan, Cagayan, Camarines Norte, Camarines Sur, Isabela, Kalinga, Marinduque, Metro Manila, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Quirino, Rizal, at Romblon.

-- ADVERTISEMENT --

Bagama’t walang pasok sa karamihan ng mga tanggapan ng pamahalaan, muling iginiit ng DILG na kailangang pumasok ang mga nasa frontline services tulad ng health offices, disaster response, at iba pang serbisyong kritikal sa panahon ng sakuna.

Pinapayagan naman ang mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng hybrid work arrangement, depende sa patakaran ng kanilang opisina.

Pinaalalahanan ang publiko na patuloy na makinig sa mga opisyal na abiso mula sa PAGASA, DILG, at lokal na pamahalaan, at iwasan ang paglabas kung hindi kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan.