
Sinisikap ng ilang mamamayan dito sa lungsod ng Tuguegarao na mapanatili ang Pasyon at Lessio tuwing Semana Santa.
Ayon kay Harold dela Cruz, isang kantorit, hanggang ngayon ay ginagawa pa rin nila ang pag-awit ng Pasyon at Lessio tuwing Semana Santa upang matiyak na mapanatili ang nasabing kultura at tradisyon, na bahagi ng pagtitika at pagninilay.
Kaugnay nito, sinabi niya na ang Pasyon ay isang nakagawian na hindi itinuro ng simbahan.
Sinabi niya na ito ay isang mahalagang anyo ng panitikang Pilipino na pasalaysay na tula na nagsasaad ng buhay, sakripisyo, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesukristo.
Karaniwan itong inaawit o binabasa o tinatawag na pabasa tuwing Mahal na Araw bilang panata o debosyon ng mga Pilipinong Katoliko.
Ayon kay Dela Cruz, ang unang Pilipinong sumulat ng pasyon sa Tagalog ay si Padre Gaspar Aquino de Belen noong 1704.
Ang pinakakilalang bersyon naman ay ang Pasyong Pilapil o Pasyong Henesis na nailathala noong 1882.
Subalit, sa ngayon aniya ay Lessio na ang kanilang inaawit, na iba sa Pasyon.
Ang Lessio ay isang tradisyonal na pag-awit ng pasyon o panaghoy ng Mahal na Birhen Maria sa Ilocano at Ibanag na kultura tuwing Mahal na Araw.
Ang mga naglelesyo ay nagpapahayag ng matinding lungkot sa pamamagitan ng pag-awit, na madalas ginagawa sa mga bahay-bahay.
Idinagdag pa niya na ito ay simbolo ng bayanihan, pananampalataya, at pag-alaala sa pag-ibig ng Diyos
Subalit inamin ni Dela Cruz na sa ngayon ay iilan na lamang ang nagkakaroon ng interes na matuto ng Pasyon at Lessio.
Sa kabila nito, umaasa siya na ipagpapatuloy pa rin ng mga kinauukulan ang pagtuturo sa mga ito sa mga kabataan upang hindi ito tuluyang mabura sa ating kultura at tradisyon.










