
Nagtapos bilang 2nd Runner-Up ang Pavvurulun Afi Festival ng Tuguegarao City sa ILOmination: Festival of Light Festivals, isa sa mga tampok na kaganapan ng Dinagyang Festival 2026 na ginanap sa Iloilo City.
Pormal na tinanggap ang parangal ni City Mayor Maila Rosario Ting-Que, kasama ang ilang opisyal ng lungsod, sa Dinagyang 2026 Awarding Ceremony sa Iloilo Freedom Grandstand. Kinilala ang festival dahil sa makulay at malikhaing pagtatanghal na gumagamit ng makabagong ilaw at sining upang ipakita ang kultura, kasaysayan, at pagkakaisa ng mga Tuguegaraoeño.
Ipinahayag ng pamahalaang lungsod ang pasasalamat at pagmamalaki sa tagumpay na bunga ng sama-samang pagsisikap ng performers, artists, at cultural workers. Ito ang ikalawang paglahok ng Tuguegarao sa kompetisyon, matapos makamit ang ikalawang gantimpala sa unang pagsabak.
Samantala, tinanghal na kampeon ang Banaag Festival ng Anilao, Iloilo, 1st Runner-Up ang Zamboanga Hermosa Festival, at 3rd Runner-Up ang Pandang Gitab Festival of Lights ng Oriental Mindoro.









