Binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga trader na magtatangkang magmanipula ng presyo ng palay o ng bigas, o manloloko ng mga magsasaka.

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State Of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa na hahabulin ang mga ito dahil ang kanilang ginagawa ay maituturing na econmic sabotage.

Napatunayan na kasi ng gobyerno na kaya nito na magbenta ng P20.00 sa bawat kilo ng bigas, nang hindi malulugi ang mga magsasaka.

Sa katunayan, kamakailan lamang aniya ay matagumpay na nailunsad ang pagbebenta ng P20.00 per kilo ng bigas sa ilang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Kasabay nito, sinabi ng Pangulo na maglalaan ang pamahalaan ng P13 billion para sa pagpapalakas sa mga programa ng Department of Agriculture, kabilang na dito ang paglulunsad sa buong bansa ng maraming Kadiwa stores at center sa mga lokal na pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi din ni Marcos na sinimulan na rin ang pagpapalakas muli ng produksion ng mga baboy bilang tugon sa mataas na presyo ng karne at sinimulan na rin ang pagbabakuna sa mga baboy laban sa African swine fever.

Bukod dito, binigyang-diin ng Pangulo na patuloy ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka hindi lamang sa palay at mais, kundi maging sa iba pang mga produkto.

Ipinagmalaki din ni Marcos na marami nang nagawang farm to market roads, patubig sa mga sakahan, mga kagamitan tulad ng mga fiberglass na mga bangka at mga pasilidad sa mga magsasaka at iba pa.

Nangako ang Pangulo na ipagpapatuloy ang mga nasabing programa para lubos na matulungan ang mga magsasaka.