Ipinahayag ng Malacañang na bukas si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa anumang hakbang na makatutulong sa mga Pilipino sa gitna ng epekto ng tensyon sa Middle East, partikular sa pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na kailangan munang pag-aralan ang detalye ng panukalang Bayanihan 3. Ayon sa kanya, susuportahan ng Pangulo ang anumang hakbang na makatutulong sa publiko.

Samantala, pinag-aaralan ng House of Representatives ang isang komprehensibong Bayanihan 3 measure upang tugunan ang epekto ng oil price shocks, ayon kay Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo.

Sinabi ni Quimbo na kabilang sa panukala ang pagbibigay ng cash aid, na uunahin ang sektor ng transportasyon na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina.

Gayunman, nilinaw niya na hindi magiging sentro ng panukala ang cash aid dahil layunin ng Kamara na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa ganitong krisis, lalo na’t maaaring maulit ang tensyon sa Middle East na dulot ng sigalot sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Castro, hindi pa niya makumpirma kung may bersyon na ng Bayanihan bill na naipasa na sa Pangulo. Gayunpaman, bukas aniya ang Pangulo sa pag-aaral ng lahat ng mungkahi na makatutulong sa mamamayan.