Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglalabas ang kanyang tanggapan ng P25 million bilang karagdagang tulong sa mga pamilya na naapektohan ng bagyong Julian sa Batanes.
Pumunta sa Batanes si Marcos ngayong araw na ito para sa pamamahagi ng tulong sa mga residente na sinalanta ng malakas na bagyo.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na ang susunod na kailangang gawin ay ang rebuilding dahil sa maraming mga bahay ang nasira.
Sa nasabing aktibidad, nasa 200 na pamilya ang nakatanggap ng P3,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Namahagi din ang DSWD ng 2,000 family food packs at water filters sa mga residente, habang nagbigay naman ang Office of the Civil Defense ng tig-10 kilos ng bigas sa bawat pamilya.
Nagbigay naman ang pamahalaang panlalawigan ng Batanes ng nasa 800 na piraso ng galvanized iron sheets at 800 na piraso ng lumber.
Sinabi pa ni Marcos na muli silang magsasagawa ng isa pang pamamahagi ng family food packs sa lalawigan.
Kasama rin sa maikling seremonya sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Interior Secretary Benhur Abalos Jr., Batanes Lone District Rep. Ciriaco Gato Jr., at Batanes Governor Marilou Cayco.
Isinailalim sa state of calamity ang Batanes bunsod ng malaking pinsala na iniwan ng bagyong Julian.