
Iginiit ng Malacañang na hindi nababahala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbaba ng kaniyang satisfaction ratings batay sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey.
Sa press briefing sa Tokyo, Japan, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na magsisilbi pa umanong inspirasyon sa Pangulo ang naturang resulta upang lalo pang pagbutihin ang pagtatrabaho at paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Nauna nang lumabas sa survey ng SWS na bumagsak sa minus 15% ang satisfaction rating ni Marcos noong Marso 2026, na itinuturing na “poor” at pinakamababa niyang rating mula nang maupo sa puwesto.
Ayon kay Castro, may iba namang survey firms na nagpapakita ng mas mataas na tiwala at suporta para sa Pangulo.
Aniya, posibleng ang mga respondent sa SWS ay kabilang sa mga hindi pa direktang nakararamdam ng tulong mula sa pamahalaan.
Muli ring binigyang-diin ng Malacañang na nakatuon ang Pangulo sa pamamahala at hindi sa mga numero ng survey.
Kasalukuyang nasa Tokyo si Pangulong Marcos para sa kaniyang state visit sa Japan.









