
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang suspensyon ng Complete Disability Discharge (CDD) ng isang sundalo na nabulag habang naka-duty, kung saan inatasan niya ang mga opisyal ng Department of National Defense na tiyakin na makakabalik ito sa trabaho.
Sinabi ni Marcos sa kanyang video message, naantig siya sa post ni Capt. Jerome Jacuba, na umalis sa serbisyo matapos siyang ma-discharge dahil sa compele disability dahil sa kanyang pagkabulag.
Nabulag si Jacuba matapos na sumabog ang isang bomba sa isinagawa nilang anti-terrorism operation sa Mindanao.
Inatasan ni Marcos si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Romeo Brawner na suspindihin ang discharge order, i-promote si Jacuba sa ranggong major, at italaga siya sa “major adaptive duties” na maaaring pakinabangan sa kanyang 15 taon na karanasan.
Iniutos din ng Pangulo kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na pag-aralan ang CDD policy para maiwasan ang kaparehong mga kaso ng mga nasugatang mga sundalo na tinatanggal sa serbisyo ng walang sapat na pagkilala o suporta.
Binigyang-diin ni Marcos na nananatili ang commitment ng pamahalaan sa pagkilala sa mga sakripisyo ng lahat ng mga nasugatang personnel at tiniyak na hindi hadlang ang kanilang natamong pinsala para matapos ang kanilang serbisyo sa bayan.










