Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na ganap na ipatupad ang Sagip Saka Act sa ilalim ng Executive Order No. 101, upang mapataas ang produksyon at kita ng mga magsasaka at mangingisda.

Layunin ng batas na palakasin ang enterprise development, mapalawak ang access sa merkado, at matiyak ang tuloy-tuloy na suporta ng gobyerno sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Sa ilalim ng kautusan, dapat direktang bumili ang mga ahensya, government-owned or -controlled corporations (GOCCs), state universities and colleges (SUCs), at local government units (LGUs) ng mga produktong agrikultural at pangisdaan mula sa mga rehistradong farmers and fisherfolk cooperatives and enterprises (FFCEs) upang mabigyan ng patas na oportunidad ang maliliit na prodyuser.

Inatasan din ang Department of Agriculture (DA) na magtatag ng Sagip Saka Desks sa mga regional at field offices bilang sentro ng impormasyon at koordinasyon.

Pamumunuan ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development (FFED) Council ang pagsubaybay sa pagpapatupad ng kautusan at magsusumite ng ulat sa Pangulo dalawang beses kada taon.

-- ADVERTISEMENT --

Nilalayon ng hakbang na ito na mapababa ang antas ng kahirapan sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kanilang kakayahan at kita.