Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasinaya sa Union Water Impounding Dam sa bayan ng Claveria, Cagayan.

Ang nasabing proyekto ay convergence project ng National Irrigation Administration o NIA at Department of Public Works and Highways o DPWH, na may kabuuang pondo na P750 million.

Sa pagharap ni Marcos sa mga magsasaka sa Claveria, sinabi niya na natutuwa siya dahil sa mabilis na natapos ang proyekto na umabot lamang ng 14 buwan, na pinakikinabangan ngayon ng mahigit 1,000 na mga magsasaka at nagsisilbi ring flood control.

Sinabi ni Marcos na patunay ito na sa gitna ng mga reklamo sa mga palpak o guni-guni na mga flood control at farm to market roads, ay may maayos at de kalidad na proyekto.

Idinagdag pa ni Marcos na may itatayong warehouse sa Claveria para magamit ng mga magsasaka.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod sa mga irigasyon at flood control, sinabi ni Marcos na magbibigay din ang pamahalaan ng tig-P10,000 sa mga magsasaka na naapektohan ng mababang pagbili ng palay.

Nabatid na ang bilihan ng palay sa Claveria ay P13 per kilo

Iginiit ni Marcos na ginagawa nila ang lahat ng mga proyekto at mga programa para sa mga magsasaka upang mapataas ang produksyon ng bigas at mabawasan na rin ang rice importation at mapagaan ang buhay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mas mataas na pagbili sa kanilang mga produkto.