
Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may kinalaman ang Malacañang sa pagpili ng Senate President, kasunod ng pahayag ni Senator Rodante Marcoleta.
Ayon sa Pangulo, “out of this world” ang ideya na kaya niyang idikta ang magiging resulta ng botohan sa Senado, dahil ito ay eksklusibong desisyon ng mga senador at hindi ng ehekutibo.
Binigyang-diin ni Marcos na bilang dating senador, batid niya na hindi maaaring utusan ang mga mambabatas kung sino ang dapat nilang iboto bilang lider ng mataas na kapulungan.
Gayunman, inamin niyang mino-monitor ng Malacañang ang mga kaganapan sa Senado bilang mahalagang bahagi ng pamahalaan, ngunit hindi umano ito nangangahulugang nakikialam sa pagpili ng liderato.









