
Kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at binigyang-diin na ang kanilang sakripisyo ay patuloy na paalala ng matibay na diwa ng katatagan at pagkakaisa ng bansa sa gitna ng mga hamon.
Pinangunahan ng Pangulo ang paggunita sa ika-84 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Pilar, Bataan, kung saan tiniyak din niya ang patuloy na pangangalaga sa kapakanan ng mga beterano ng digmaan.
Dagdag pa niya, ang mga bayani ng Bataan ay nag-alay ng kanilang buhay upang matiyak na ang susunod na mga henerasyon ay mamumuhay sa isang malaya at may soberanyang bansa.
Ang kanilang kuwento aniya ay nagpapaalala na ang laban para sa kalayaan ay walang hangganan, at ang pagkakaisa kahit sa pinakamadilim na panahon ang nagbubuklod sa sangkatauhan.
Binigyang-diin din ng Pangulo na kahit bumagsak ang depensa noon, hindi nasira ang diwa ng mga Pilipino, at nagpatuloy ang paglaban sa pamamagitan ng guerrilla warfare sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Muli ring tiniyak ng Pangulo ang suporta ng pamahalaan sa mga beterano, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa Philippine Veterans Affairs Office upang magtayo ng mga veterans hospital sa Visayas at Mindanao, pati na ang pagbibigay ng sapat na benepisyo sa mga sundalong nagkaroon ng permanenteng kapansanan habang nasa serbisyo.
Ayon sa Pangulo, mahigit 2,630 beterano at kanilang mga dependents ang nakinabang noong nakaraang taon sa ilalim ng Veterans Hospitalization and Medical Care Program.










