
Kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahahalagang ambag at sakripisyo ng mga edukador at tiniyak ang patuloy na pagpapabuti ng propesyon ng pagtuturo.
Kasabay nito, pinangunahan ng Pangulo ang panunumpa ng mga bagong promoted na guro at punong-guro ng Department of Education (DepEd) National Capital Region (NCR).
Sa kanyang talumpati sa “RISE in Service” oath-taking ceremony sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) na ginanap sa Lungsod ng Makati, binigyang-diin ng Pangulo na ang okasyon ay makabuluhang sandali hindi lamang para sa mga guro kundi para sa buong bansa, habang muling pinagtitibay ng mga guro ang kanilang pangako sa paglilingkod at sa nation-building.
Kinilala ng Pangulo ang mabigat na responsibilidad ng mga guro, sa loob at labas ng silid-aralan—mula sa mahabang oras ng paghahanda ng lesson plan, pagsusuri ng mga papel, paggabay sa mga mag-aaral bilang ikalawang magulang, hanggang sa boluntaryong pagtulong bilang mga facilitator sa halalan at mga gawaing sensus.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang pagbuo ng mas maunlad na bansa ay nagsisimula sa mabuting edukasyon at sa mga guro na humuhubog sa kabataan upang maging disiplinado, tapat, at may malasakit.
Muli ring iginiit ni Pangulong Marcos na ang pagtuturo ay hindi madaling propesyon sapagkat nangangailangan ito ng tiyaga, sakripisyo, at tapang; kaya’t nararapat lamang na tumbasan ito ng kongkretong suporta mula sa pamahalaan.
Ipinunto ng Pangulo na nananatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang edukasyon, na may higit sa PhP1.34 trilyon na nakalaan para sa sektor, o mahigit apat na porsyento ng ekonomiya ng bansa.
Kabilang sa suporta ang pagpapalabas ng 2025 Service Recognition Incentive para sa mga guro at non-teaching staff, kasama ang karagdagang PhP7.3 bilyon upang masakop ang lahat ng kuwalipikadong guro; ang pagbibigay ng PhP10,000 teaching allowance para sa School Year 2025–2026; at ang paglalabas ng mga alituntunin para sa pagbibigay ng PhP7,000 medical allowance sa 2025.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang patuloy na pagsisikap na lumikha ng karagdagang posisyon sa pagtuturo, bawasan ang pasaning administratibo, at palawakin ang career pathways sa pamamagitan ng estratehikong reclassification sa ilalim ng ECP, na nagbibigay-daan sa mga senior educators na umangat batay sa merito at magbukas ng bagong posisyon para sa mga bagong graduate.










