Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapadala ang pamahalaan ng isang “high-level coordination team” sa Czech Republic upang tutukan at bantayan ang proseso ng deportation ng puganteng si dating Congressman Elizaldy “Zaldy” Co pabalik sa Pilipinas.

Sa isang video statement, sinabi ni Marcos na inatasan niya ang Department of Justice at ang Department of Foreign Affairs na manguna sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Czech Republic kaugnay ng pagbabalik ni Co.

Sinabi ng Pangulo na nananatili si Co sa kustodiya ng Czech Republic, at ginagawa umano ng pamahalaan ng kinakailangang hakbang upang mapadali ang pagbabalik niya sa Pilipinas.

Dagdag pa niya, kailangang sundin ang tamang legal na proseso sa pagitan ng mga bansa kaya’t kinakailangan ng sapat na oras upang maisagawa ito nang maayos at naaayon sa due process.

Naaresto si Co sa hangganan ng Germany matapos siyang tumawid mula sa Czech Republic. Siya ay tinanggihang makapasok dahil sa kakulangan ng tamang dokumento at kalaunan ay idinetine sa Prague.

-- ADVERTISEMENT --

Si Co ay itinuturing na isa sa mga umano’y utak sa likod ng mga anomalya sa flood control at infrastructure projects na nagkakahalaga ng trilyong piso noong 2025. Hindi malinaw ang kanyang kinaroroonan mula nang umalis siya ng bansa noong Hulyo ng nakaraang taon, na sinasabing dahil sa medikal na dahilan.