
Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala pa siyang plano para muling sumapi ang bansa sa International Criminal Court (ICC) sa kabila ng mga apela mula sa mga mambabatas sa oposisyon na gawin ito.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace press officer Claire Castro, nananatili ang paninindigan ng Pangulo sa nasabing usapin.
Gayunman, sinabi ni Castro na walang ibinigay sa kanya na rason ang Pangulo sa kanyang desisyon.
Nasa New York ngayon si Marcos para sa dalawang araw na working visit, na kinabibilangan ng high-level engagements sa United Nationsl (UN).
Umalis ang Pilipinas mula sa Rome Statute na lumikha sa ICC noong March 2018 sa utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagkabisa ang pag-alis ng bansa sa ICC noong 2019.
Kasunod nito ay naaresto si Duterte matapos ang anim na taon noong March 2025 sa utos ng ICC dahil sa umano’y crimes against humanity dahil sa war on drugs.
Marami ang nanawagan na bumalik ang bansa sa Rome Statute matapos na maaresto si Duterte.
Noong June 2025, sinabi ni Castro na bukas si Marcos na pag-usapan ito subalit ang posibilidad na bumalik ang bansa sa ICC ay hindi tinalakay sa nasabing panahon.










