
Pormal nang nagdeklara si Ferdinand R. Marcos Jr. ng state of national energy emergency upang maprotektahan ang bansa laban sa epekto ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Batay sa Executive Order No. 110 na inilabas nitong Marso 24, 2026, layunin ng deklarasyon na agad tugunan ang banta sa katatagan at kasapatan ng suplay ng enerhiya sa bansa.
Ayon sa Department of Energy, nasa kritikal na sitwasyon ang sektor ng enerhiya dahil sa pandaigdigang pangyayari.
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ang pagsasara ng Strait of Hormuz at ang tumitinding hidwaan sa pagitan ng United States, Israel, at Iran, na nagdudulot ng malaking pagkagambala sa global oil shipments.
Aminado ang pamahalaan na bulnerable ang Pilipinas, bilang net importer ng petroleum products, sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis at pagkaantala sa supply chain.
Upang maibsan ang epekto nito, ipinag-utos din ng Pangulo ang pagpapatupad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT), na magsisilbing whole-of-government response framework para matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga negosyo at paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, lalo na sa mga sektor na maaapektuhan.
Ayon sa kautusan na nilagdaan ni Ralph G. Recto, mananatiling epektibo ang deklarasyon sa loob ng isang taon mula sa petsa ng paglabas nito, maliban kung ito ay bawiin o palawigin ng Pangulo.









