Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy at paiigtingin ng kanyang administrasyon ang mga reporma sa sistema ng edukasyon sa bansa, kasabay ng kanyang muling pagdalo sa mga opisyal na aktibidad matapos ang kanyang diverticulitis flare-up.

Nitong Huwebes, Enero 29, tinanggap ng Pangulo sa Malacañang ang final report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na naglalaman ng resulta ng tatlong taong pambansang pagsusuri sa kalagayan ng edukasyon sa Pilipinas.

Kasabay nito, inihain din sa kanya ang National Education and Workforce Development Plan (NatPlan) 2026–2035, isang 10-taong roadmap na layong pag-isahin ang mga hakbang ng DepEd, CHED, at TESDA upang tugunan ang krisis sa edukasyon at ihanay ang paghahanda ng manggagawa sa mga layuning pang-ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Marcos, inilalahad ng mga ulat ang mga kakulangan ng sistema at ang mga kinakailangang reporma, kabilang ang pagtugon sa learning gaps dulot ng pandemya at epekto ng climate change.

Binanggit din niya ang rebisyon sa basic education curriculum upang maging mas learner-centered at skill-focused.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang ₱1.3 trilyong badyet para sa edukasyon sa 2026, na katumbas ng 4.36% ng gross domestic product—ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa at lampas sa pandaigdigang benchmark.

Ayon sa kanya, gagamitin ang pondo sa pagkuha ng mas maraming guro, learning recovery programs, school-based feeding, at pagtatayo ng karagdagang silid-aralan.

Tinawag ng Pangulo ang kasalukuyan bilang “turning point” ng edukasyon sa Pilipinas at tiniyak na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga reporma upang masigurong walang Pilipinong maiiwan sa Bagong Pilipinas.