Nanguna si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang pinakaaprubadong opisyal ng gobyerno batay sa pinakabagong nationwide survey ng RPMD Foundation Inc..

Sa “Boses ng Bayan” survey na isinagawa noong Abril 1 hanggang 8, nakakuha si Marcos ng 57-percent Index of Governance score, kasama ang 56-percent trust rating at 58-percent approval rating.

Ayon sa RPMD, nanatiling matatag ang tiwala ng publiko sa pangulo sa kabila ng mga umiinit na usaping pulitikal sa bansa.

Pinakamalakas umano ang suporta kay Marcos sa Balance of Luzon, habang lumakas din ang kanyang ratings sa Mindanao.

Samantala, nakakuha naman si Bise Presidente Sara Duterte ng 54-percent governance score, kasama ang 57-percent trust rating at 51-percent approval rating.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang din sa mga opisyal na may mataas na ratings sina dating Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Faustino Dy III.

Sa hanay naman ng Cabinet officials, nanguna si DSWD Secretary Rex Gatchalian bilang top-performing official na may 87-percent rating.

Kasunod sina Education Secretary Sonny Angara, Interior Secretary Jonvic Remulla, at Public Works Secretary Vince Dizon.

Isinagawa ang survey sa 5,000 respondents sa buong bansa na may ±1 percent margin of error at 95-percent confidence level.