Hinimok ni Senator Juan Miguel Zubiri ang mga kapwa senador na i-adopt na lang nila sa mataas na kapulungan ang ipinasang P200 minimum Wage Hike Bill ng Kamara.
Ayon kay Zubiri, kung gusto naman ng Senado na i-adopt ang bersyon ng Kamara ay gagawin nila ito.
Gayunman, dapat na makapagsagawa sila agad ng Bicameral Conference Committee Meeting kung may nais pa silang isulong na amyenda at para maaprubahan na ito bago ang sine die adjournment ng 19th Congress.
Sinabi ni Zubiri, may-akda ng panukalang P100 wage hike, palagi siyang papabor sa panig ng mga manggagawa dahil sa panahon na ito ay mas kailangan ng mga kababayan ang tulong pinansyal.
Umaasa naman ng senador na magiging ganap na batas ang dagdag sahod para sa kapakanan ng mga manggagawa.
Samantala, susuriin muna ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. ang magiging epekto sa ekonomiya ng mga ipinasang panukalang batas ng Kongreso para itaas ang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Inihayag ito ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro at nais din ni Marcos na maibigay ang pinakabuti sa mga manggagawa.
Sinabi pa ni Castro na pakikinggan din ng pangulo ang panig ng mga stakeholder tulad ng mga employer at mga negosyante.
Nitong Miyerkules, inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na dagdagan ng P200 ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa private sector.
Mas mataas ito sa P100 na nauna nang ipinasa sa Senado.
Dahil sa magkaibang bersiyon, isasalang ang dalawang panukala sa bicameral conference committee hearing ng Kamara at Senado para maging magkatugma.
Kapag naaprubahan na ng Kamara at Senado ang napagkasunduang bersiyon, ipapadala na ito sa Palasyo para desisyonan ni Marcos kung pagtitibayin para ganap na maging batas, o ibabasura sa pamamagitan ng kaniyang veto power.
Ayon kay Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma, isasalang sa bicameral meeting hearing ang mga panukala sa susunod na linggo.
Pangamba ni Laguesma, kapag nagkaroon ng malaking dagdag sa minimum wage, posibleng magdulot ito ng ilang usapin sa sektor ng pagggawa.
Ilang kompanya ang maaaring hindi umano makasunod sa batas, at posibleng madagdagan ang mga mawawalan ng trabaho.
Posibleng may negatibo ring epekto ito sa paglago ng ekonomiya at antas ng employment na nakapaloob sa Department of Economy, Planning, and Development’s macroeconomic analysis.