Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananagot sa batas ang sinumang opisyal na mapapatunayang nagpabaya o nagnakaw sa pondo ng mga flood control project, kahit pa ito’y kaalyado niya sa politika.

Sa teaser ng podcast interview na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), tahasang sinabi ng Pangulo na hindi siya mangingimi sa pananagutin ang mga tiwali at abusado, anuman ang kanilang katayuan o koneksyon.

Matatandaang sa kanyang State of the Nation Address (SONA), iniutos ni Pangulong Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsusumite ng kumpletong listahan ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon.

Inatasan din niya ang ahensya na tukuyin ang mga proyektong hindi natapos, mababa ang kalidad, o mga tinatawag na “ghost projects” upang agad na maisapubliko at mapanagot ang mga responsable.

Giit ng Pangulo, nararapat lamang na may managot sa paulit-ulit na paghihirap ng mga Pilipino tuwing bumabaha.

-- ADVERTISEMENT --