Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrela III ang pamamahagi ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CoCrom) at distribusyon ng Emancipation Patent o Certificate of Land Ownership Award at E-titles sa bayan ng Cabagan, Isabela.
Alinsunod sa New Agrarian Emancipation Act (NAEA), aabot sa 26, 285 Certificates of Condonation with Release of Mortgage o COCrom ang ipapamahagi sa 21, 964 agrarian reform beneficiaries mula sa lalawigan ng Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.
Ito ay sumasaklaw sa 22, 274.79 hectares.
Sa talumpati ng Pangulo, tiniyak niya ang patuloy ang pagtatrabaho ng pamahalaan para matulungan ang Isabela at iba pang lalawigan na sinalanta ng sunnod-sunod na bagyo.
Nanawagan naman siya sa mga magsasaka na lalo pang pagyamanin ang mga lupa na ipinagkaloob sa kanila para sa pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura.
Ito ay kasabay ng mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para sa modernisasyon ng sektor ng agrikultura para sa inaasam na sapat na pagkain sa bansa
Magkakaroon naman ng hiwalay na distribusyon sa lalawigan ng Cagayan sa darating na December 9, 2024 sa Solana, Cagayan kung saan 6,803 certificates ang ibibigay sa 6,300 ARB’s na sumasakop sa mahigit 6000 hectares ng agricultural land.
Batay sa datus ng Department of Agrarian Reform o DAR Region 2, nasa 33, 088 certificates ang i-a-award sa 28,264 beneficiaries na may kabuuang land area na 28, 577.
Mahigit sa P1.1 billion na utang ng mga magsasaka ang mabubura at babayaran ng gobierno sa Land Bank of the Philippines.
Kasabay nito, 1,170 EP/CLOA at SPLIT E-titles ang ipapamahagi sa 918 ARBs mula sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino.
Labis naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryo sa tulong ng gobierno na mabayaran ang kanilang utang dahil ilang taon silang nahirapan sa pagbabayad sa Land Bank.