Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. ang pamamahagi ng mga family food packs sa mga apektadong residente ng Buguey, Cagayan, matapos ang matinding pananalasa ng Bagyong Marce.

Sa kanyang mensahe, iginiit ng Pangulo ang kahalagahan ng personal na pagbisita sa mga lugar na nasalanta upang masuri ang tunay na kalagayan at tiyakin ang mabilis na rehabilitasyon.

Ayon sa Pangulo, bagamat may mga ulat na siyang natatanggap, mas mainam pa ring makita ang sitwasyon ng Cagayan sa personal.

Binanggit din niya na hindi kayang tugunan ng isang ahensya lamang ang lahat ng pangangailangan ng mga apektadong residente kaya’t kailangan ng “whole government approach”.

Inisa-isa rin ng Pangulo ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para sa agarang tulong, kabilang ang pagpapabuti ng mga evacuation center at mga linya ng komunikasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Pinahalagahan din niya ang mga nasirang tirahan at inatasan ang mga ahensya ng gobyerno upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka at seafood growers, partikular na ang mga naapektuhan sa industriya ng alimango sa Buguey, na kilala bilang “crab capital ng Pilipinas”.

Ipinahayag din ng Pangulo na magpapatuloy ang pamamahagi ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)
at ang pagsasaayos ng mga nasirang paaralan at iba pang imprastruktura.

Tiniyak ng Pangulo na hangga’t kinakailangan, patuloy na makakatanggap ng suporta ang mga mamamayan ng Cagayan sa kanilang pagbangon mula sa sakuna.

Samantala, personal din na iniabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang tig-P10 milyon sa mga walong lokal na pamahalaan ng Cagayan para sa mga nasalanta ng bagyong Marce kabilang na ang mga bayan ng Buguey, Baggao, Santa Ana, Gonzaga, Gattaran, Aparri, Santa Teresita, at Sanchez Mira.

Kasama ng Pangulo sa kanyang pagbisita sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, DICT Secretary Ivan John Uy, DPWH Secretary Manny Bonoan, at DepEd Secretary Sonny Angara.