Pinaiigting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga hakbang para mapanatili ang seguridad sa mga paaralan at labanan ang krimen sa bansa.

Ito ay matapos pangunahan ng Pangulo ang Joint National and Regional Peace and Order Council Meeting para sa ikalawang semestre ng 2026, kung saan tinalakay ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Iniutos ni Marcos sa mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan na higpitan ang seguridad sa mga paaralan at magpatupad ng malinaw na proseso sa pag-uulat at pagtugon sa bullying, karahasan at mga emergency.

Iminungkahi rin ng Pangulo na pag-aralan ang mga karanasan ng ibang bansa sa pag-regulate ng paggamit ng social media ng mga kabataan.

Samantala, iniulat sa pulong na nasa 55,375 persons deprived of liberty o PDLs ang napalaya mula Enero hanggang Setyembre 2026 sa pamamagitan ng mga serbisyong paralegal.

-- ADVERTISEMENT --

Tinalakay rin ang pagpapalakas ng presensya ng pulisya, pagpapabilis ng pagtugon sa mga emergency at pagpapahusay ng mga hakbang laban sa krimen upang maprotektahan ang mga komunidad at mapanatili ang kaayusan sa bansa.