
Hinimok ng 20 senador si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklara ang state of calamity o state of imminent disaster sa mga lugar na apektado o nanganganib sa Super El Niño.
Sa ilalim ng Senate Resolution 765, layunin nitong mapabilis ang pagpapalabas ng pondo, pagkukumpuni ng mga pasilidad at pagbibigay ng pautang na walang interes sa mga sektor na matinding maaapektuhan.
Binanggit sa resolusyon ang ₱6.87 bilyong pagkalugi sa agrikultura hanggang Setyembre 26, katumbas ng 43 porsiyento ng kabuuang pinsala noong El Niño noong 2023–2024.
Ayon sa mga senador, nasa 388,375 katao na ang apektado ng El Niño, habang 22.8 porsiyento pa lamang ng target na benepisyaryo ng Department of Agriculture ang naaabot ng tulong.
Hinimok din nila ang Department of Budget and Management at iba pang ahensya na agarang pakilusin ang mga available na pondo, kabilang ang tinatayang ₱39 bilyong calamity fund.










