Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang maayos at matagumpay na pagsasagawa ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa Setyembre 14.

Sa kanyang talumpati sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, sinabi ng Pangulo na determinado ang pamahalaan na matuloy ang halalan upang magkaroon ng halal na parlamento ang BARMM.

Aniya, nagbibigay rin ang bagong iskedyul ng sapat na panahon upang maipatupad ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pag-alis ng Sulu sa rehiyon.

Bukod dito, namahagi rin si Marcos ng ayuda sa ilalim ng Bawat Barangay Makikinabang Program, kung saan tumatanggap ng P200,000 ang bawat barangay sa BARMM para sa educational assistance at mga prayoridad na proyekto sa komunidad.