Pormal ng naupo bilang bagong Regional director ng Police Regional Office sa lambak ng Cagayan si PBGEN Angelito Casimiro na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1988.

Sa isinagawang change of command ceremony nitong araw October 23, nailipat na ang command ng Police Regional Office 2 ni PBGen Jose Mario Espino kay PBGen Casimiro.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Casimiro na mahigpit na ipatutupad ang pagsunod ng pulisya sa mga regulasyon na magiging basehan sa bawat police operation.

Mahigpit rin nitong imomonitor ang bawat miyembro ng pulisya sa Cagayan lalo na sa mga ipinagbabawal tulad ng paglalaro ng golf maliban sa weekend, anumang uri ng pagsusugal, pagtanggap ng regalo, paggamit sa mga nakukumpiskang ebidensiya tulad ng narerekober na sasakyan o ilegal na droga at pangongotong.

Kasabay nito, tiniyak ni Casimiro na pangungunahan niya ang pagprotekta sa kapakanan ng nasa 7,836 na bilang ng PNP-RO2.

-- ADVERTISEMENT --

Ang pag-upo ni PBGen Casimiro bilang pinuno ng PRO2 ay sinaksihan ni PBGen Gilberto Cruz, director ng Directorate for Integrated Police Operations (DIPO) Northern Luzon.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Cruz na ang nangyaring balasahan ay hindi nangangahulugan na naging pabaya ang dating pinuno ng PRO-02.

Paliwanag niya na bahagi lamang ito sa pagnanais ng pamunuan ng PNP na maresolba ang ilang problema na hanggang ngayon ay hirap matukoy ng matataas na opisyal.