Umalma si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela sa mga pahayag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano laban sa kanya sa interpellation ng panukalang Senate Resolution No. 256.

Binigyang-diin ni Tarriela, sa kanyang pagkakaalam, wala siyang ginawang masama para bayan para bastusin siya ni Cayetano.

Ayon sa kanya, hindi tama ang sinabi sa kanya ni Cayetano na hubarin niya ang kanyang uniporme at mag-debate.

Sinabi ito ni Tarriela matapos na magkaroon ng mainitang sagutan tungkol sa paggamit niya kamakailan ng caricature ni Chinese President Xi Jinping sa isa niyang speaking engagements.

Nagkaroon ng pagtatalo sina Cayetano at Senator Francis Pangilinan kahapon bago ang adoption ng panukalang Senate Resolution No. 256, na nagkokondena sa mga pahayag ng Chinese Embassy sa Manila laban sa mga opisyal ng pamahalaan.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Cayetano na hindi dapat na ipasa ang resolusyon kung ito ay pagpapakita ng suporta sa naging aksyon ni Tarriela laban sa mga opisyal ng China.

Sinabi ni Tarriela na hindi niya alam kung saan nanggagaling ang galit ni Cayetano, lalo na at dating kalihim ng Department of Foreign Affairs ang senador sa panahon ng administrasyon ni Duterte.

Ipinaliwanag din niya ipinakita ang caricature sa isang lecture sa mga estudyante ng unibersidad tungkol sa mga insidente na nangyayari sa West Philippine Sea.

Ayon sa kanya, walang dayuhan sa nasabing aktibidad at tinalakay lamang niya para sa academic discussions sa isang unibersidad.