Iginiit ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi kailangang humingi ng pahintulot sa China ang Pilipinas upang magsagawa ng resupply mission para sa mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, hindi humingi at hindi nangangailangan ng pag-apruba mula sa China ang Pilipinas sa isinagawang paghahatid ng suplay noong Oktubre 21.

Binigyang-diin ni Tarriela na bahagi ng soberanong karapatan ng bansa ang naturang misyon sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Matatagpuan ang Ayungin Shoal may 105 nautical miles mula sa Palawan at mahigit 500 nautical miles naman mula sa pinakamalapit na baybayin ng China.

Pahayag ito ng PCG matapos sabihin ng Chinese Coast Guard na sinubaybayan at pinangasiwaan nito ang paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan sa barko, na tinatawag ng Beijing na Ren’ai Jiao.

Tinukoy rin ni Tarriela ang 2016 arbitral award, na nagsabing bahagi ng continental shelf at EEZ ng Pilipinas ang Ayungin Shoal. Iginiit niyang walang batayan ang pag-angkin ng China sa naturang lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Muling uminit ang tensiyon sa pagitan ng Maynila at Beijing kasunod ng mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan tungkol sa posibleng paggamit ng puwersa sa West Philippine Sea, na nagbunsod sa ilang opisyal ng Pilipinas na manawagan para sa kanyang pagpapabalik sa China o deklarasyon bilang persona non grata.