Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na namataan ang umano’y hindi awtorisadong marine scientific research ng isang Chinese research vessel sa paligid ng Cay-2 at Cay-3 malapit sa Pag-asa Island noong Mayo 16 hanggang 17.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang Chinese research vessel na Xiang Yang Hong 33 ay sinamahan ng China Coast Guard vessels CCG 5101 at CCG 5309, kung saan naobserbahan umano ang paglapag ng mga tauhan sa Cay-2 at pagsasagawa ng aktibidad sa Cay-3.

Sinabi ng PCG na ang barko ay pumasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas noong Abril 18 matapos umalis sa Guangzhou, China noong Abril 15, at mula noon ay nagsagawa na ng mga aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea.

Iniulat din ng PCG na nagsagawa sila ng maritime domain awareness flight gamit ang Islander 4177 aircraft at nagsagawa ng radio challenge laban sa mga barkong Tsino.

Ayon pa sa Philippine Coast Guard (PCG), nakita rin ang 20 Chinese maritime militia vessels sa paligid ng Sandy Cay 3 at 4.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng PCG na labag sa United Nations Convention on the Law of the Sea ang naturang operasyon dahil walang pahintulot mula sa pamahalaan ng Pilipinas.

Iginiit ng PCG na mananatili silang handang ipagtanggol ang maritime zones ng bansa laban sa anumang hindi awtorisadong presensya.