
Sinimulan ng Philippine Coast Guard (PCG) kaninang umaga ang pagsisid sa Taal Lake sa Batangas para sa paghahanap sa missing sabungeros matapos na may makuha na isang sako ng mga buto sa nasabing lugar kahapon.
Sinabi ni PCG spokesperson Captain Noemie Guirao-Cayabyab na nagsimula ang search and retrieval operations sa mga tinukoy na mga lokasyon sa lawa.
Ayon sa kanya, may ginawang search plan ang mga technical diver, kung saan mayroon aniya silang search pattern ng 100 meters by 100 meters.
Sinabi ni Cayabyab, mula sa mga natukoy na lugar ng lead agency tututok ang mga technical diver.
Nagsagawa kahapon ang PCG ng assessment sa site para sa search operation.
Ayon kay Cayabyab, malabo ang tubig sa nasabing lugar.
Tinignan din ng mga awtoridad ang fishpond ng isa sa mga suspek sa imbestigasyon, na ikinokonsiderang “ground zero” ng search operation.
Matatandaan na may nakuhang isang sako na naglalaman ng mga buto sa Taal Lake sa bayan ng Laurel.
Ang nasabing mga buto ay natagpuan malapit sa lokasyon na sinabi ni whistleblower Julie “Dondon” Patidongan na dinala bago inihulog sa Taal Lake ang mga sabungero.
Isasailalim sa forensic examination ang mga ito upang malaman kung ito ay buto ng tao.
Magkakaroon din ng DNA testing para matukoy kung tugma ito sa sinumang pamilya ng mga nawawalang sabungero.