
Humiling ng legal na aksyon ang Presidential Communications Office laban sa tatlong Facebook accounts dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalusugan ni pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..
Sa pamamagitan ng Anti-Fake News Desk, inendorso ng PCO sa Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban sa mga account na “Iloy Bugris: The Queen of Revelations,” “Rigondola Ping,” at “Crage Anderpal.”
Ayon sa PCO, nagpakalat ang mga naturang account ng fabricated content kabilang ang pekeng medical document at news graphics na nagsasabing malubha ang kalagayan ng Pangulo. May ulat din na ang isa sa mga account ay nanghingi ng pera mula sa mga manonood.
Sinabi ng PCO na ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring lumabag sa Article 154 ng Revised Penal Code at sa Cybercrime Prevention Act of 2012, lalo na sa panahon ng State of National Energy Emergency.
Samantala, ipinagtanggol ng administrator ng isa sa mga account ang kanilang mga post at iginiit na bahagi ito ng diskusyon sa transparency sa kalusugan ng Pangulo.
Kaugnay nito, kamakailan ay lumagda sa kasunduan ang PCO, DOJ, at Department of Information and Communications Technology upang palakasin ang koordinasyon laban sa disinformation at iba pang manipuladong online content.










