Nanawagan ang ilang kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Commission on Elections (Comelec) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay ng umano’y mga iregularidad sa katatapos na 2025 midterm elections.
Sa pangunguna ng kanilang legal counsel na si Atty. Israelito Torreon, nagtungo ang grupo sa Manila Hotel nitong Sabado upang isumite ang isang 54-pahinang manifestation na humihiling ng imbestigasyon at manual recount ng mga boto.
Ayon kay Torreon, nilinaw nilang hindi layunin ng Duterte 7 ang makakuha ng posisyon kundi ang tiyakin ang integridad ng proseso ng halalan.
Kabilang sa mga hinihinging aksyon ng PDP-Laban ay ang imbestigasyon sa milyun-milyong overvotes para sa mga senador na anila’y nakaaapekto sa kredibilidad ng resulta.
Ipinapanawagan din nila ang forensic audit sa mga vote-counting machines, lalo na sa mga presintong lumampas sa bilang ng rehistradong botante.
Bukod pa rito, nais nilang tukuyin kung sertipikado sa ilalim ng batas ang ginamit na automated counting machines at kung tugma sa umiiral na batas ang ilang resolusyon ng Comelec.
Hinikayat din nila ang Comelec na magsagawa ng manual recount sa piling mga presinto para sa senatorial at partylist races.
Sa ngayon, inatasan ng mga opisyal ng Comelec si Torreon na ihain ang kanilang manifestation sa punong tanggapan ng komisyon sa Intramuros, Maynila.