Iginiit ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na hindi tungkol sa “peace and unity” ang isasagawang “National Peace Rally” ng Iglesia ni Cristo (INC) bagkus ay layon lamang umanong protektahan si Vice President Sara Duterte mula sa pagsagot sa mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya.

Binanggit din ng teacher-solon ang lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan kung saan 41% daw ng mga Pilipino ang sumusuporta sa impeachment complaints laban kay Duterte.

Matatandaang kasama si Castro sa Makabayan Bloc na nag-endorso sa ikalawa sa tatlong impeachment complaints na nakahain ngayon sa Kamara laban sa bise presidente.

Samantala, nakatakdang isagawa ng INC ang kanilang National Peace Rally bukas, Enero 13, kung saan layon umano nitong pagbuklurin ang mga Pilipino at manawagan ng “peace and unity” sa bansa.

Bahagi rin daw ng naturang rally ang pagpapaabot ng suporta ng INC sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “waste of time” lamang ang pagpapatalsik kay Duterte sa puwesto.

-- ADVERTISEMENT --