Posibleng ipagpatuloy sa Pakistan sa loob ng susunod na dalawang araw ang usapang pangkapayapaan kaugnay ng digmaan sa Iran, ayon kay US President Donald Trump.

Ito ay matapos mabigo ang negosasyon noong weekend sa Islamabad, na sinundan ng hakbang ng U.S. na magpatupad ng blockade sa mga pantalan ng Iran.

Ayon sa mga opisyal mula sa U.S., Iran, at Pakistan, maaaring bumalik ang mga negotiating team sa Pakistan ngayong linggo, bagamat wala pang tiyak na petsa.

Bahagyang humupa ang tensyon sa merkado ng langis matapos lumabas ang posibilidad ng muling pag-uusap, kung saan bumaba sa $100 ang presyo ng langis.

Kabilang sa mga pangunahing isyu sa negosasyon ang kontrol sa Strait of Hormuz, nuclear program ng Iran, at mga parusang ipinataw dito ng international community.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang isinara ng Iran ang naturang daanan sa karamihan ng mga barko mula nang sumiklab ang digmaan noong Pebrero 28, na may malaking epekto sa pandaigdigang suplay ng langis at gas.

Bilang tugon, sinimulan ng militar ng U.S. ang pagharang sa mga barkong papasok at palabas ng mga pantalan ng Iran, habang nagbabala naman ang Tehran ng posibleng pagganti laban sa mga barko at karatig-bansa nito sa Gulf.