Nabisto ang di-inaasahang katiwalian sa isang barangay sa Santa Ana, Maynila kung saan higit sa 10 na matagal nang patay na senior citizen ay patuloy pa ring nakalista bilang benepisyaryo ng Social Pension, at may nagkukunwaring kumukuha ng kanilang P500 buwanang tulong.

Natuklasan ng pamilya ni Santos Conde, 84-anyos na halos apat na taon nang pumanaw, na may pumipirma at tumatanggap pa rin ng kanyang pensiyon mula Enero hanggang Marso 2026.

Gayundin ang kanyang bayaw na si Efren De La Rosa, na apat na taon na ring patay. Pinaghihinalaan na pinapalitan at pino-palsipikado ang mga lagda upang maituloy ang panlilinlang.

Ayon sa nagreklamong si Dara Conde, tanging mga opisyal ng barangay lamang ang may hawak ng mga dokumento ng payout.

Nang lumapit sila sa Office for the Senior Citizens Affairs (OSCA), umano’y lumapit din ang Kapitan at humiling na ayusin na lamang ang usapin at ibalik ang perang nakurakot ngunit tinanggihan ito ng pamilya at nagpasya na ituloy ang reklamo.

-- ADVERTISEMENT --

Naglahad din ng pagkadismaya ang asawa ni Lolo Santos na si Elsa, lalo’t malapit sa kanilang pamilya ang mga nasasangkot na opisyal.

Nagpatupad na ng imbestigasyon ang OSCA.

Nagsampa na rin ng reklamo ang pamilya sa himpilan ng pulisya nitong Biyernes.

Maaaring maharap sa mga kasong malversation of public funds, falsification of public documents, at estafa ang mga sangkot.

Sinabi naman ng DILG na alamin muna ang katotohanan bago magbigay ng pahayag habang hinihintay pa rin ang tugon ng lokal na pamahalaan ng Maynila.